Chapter 13
Chapter 13
SINASABI KO na nga ba. Napapailing na naisaloob ni Dean habang nag-iikot sa loob ng kilalang
shopping mall. Kanina niya pa napapansin ang dalawang kalalakihan na sumusunod sa kanya. Nakita
niya na rin ang mga ito noong nakaraang araw. At kanina bago siya umalis sa apartment niya ay
namataan niya na rin ang sasakyan ng mga ito na nakaparada hindi kalayuan sa tinutuluyan niya.
Hindi na sigurado ni Dean kung kanino tauhan ang mga iyon. Kung kay Zandro Avila pa rin ba o sa
pamilya niya na. Hindi kaila sa kanya na pinagdududahan na siya ni Adam lalo na ni Leonna tungkol sa
biglang panlalamig ni Selena sa relasyon nito kay Adam, kung relasyon nga bang matatawag iyon.
Pero hindi siya pwedeng panghinaan ng loob lalo pa ngayong nakatanggap na siya ng text message
mula kay Lilian.
Mabilis na pumasok si Dean sa isang fast food restaurant. Laking pasasalamat niya nang hindi na
sumunod pa hanggang roon ang dalawang lalaki. Pumila siya at basta na lang nagturo ng kung ano
nang makarating sa counter. Dala ang tray ng pagkain ay naupo siya sa bandang unahan ng
restaurant.
Nang makita niya ang isang lalaki na halos kakulay at kasing-taas niya ay mabilis siyang nakaisip ng
paraan. Nang tumuloy iyon sa rest room ay agad na sumunod siya rito.
Inilabas ni Dean ang wallet at kumuha ng ilang lilibuhin roon bago niya iyon inabot sa estranghero.
Idinagdag niya na rin ang cell phone niya. Hiniram iyon sa kanya ni Adam noong mga nagdaang araw.
Kilala niya ang kapatid. He knew that Adam has been tracking him these past few days. “Ibibigay ko
ang mga ito sa ‘yo kapalit ng mga damit mo, pare. Magpalit tayo ng suot.”
Ilang sandaling napatitig sa pera at cell phone ang lalaki. Ininspeksyon pa nito ang cell phone niya
bago ito napalunok. Ngumiti si Dean. “’Wag kang mag-alala, pare. Original ‘yan. Makakabili ka mula
dyan ng kahit ilan pang jacket na gusto mo. I just needed to do this. Sinusundan kasi ako ng ex ko na
nagde-demand ng kasal. Tina-track niya rin ako gamit ang cell phone na ‘yan. At desperado na akong
makatakas mula sa kanya.”
Pinakatitigan siya ng lalaki. “Ang hirap talagang maging gwapo ‘no, ‘pre? ‘Di bale, ako na lang ang
magpapakilala do’n sa chicks mo. Maganda ba, pre?”
Napatango na lang si Dean. “Sobra, pare. Pero nakakasakal magmahal.”
May the Lord forgive me for this.
“Nakahanda akong magpasakal basta sa maganda lang.” Nakangisi pang wika ng lalaki bago mabilis
na inalis ang suot na pulang jacket, orange na bull cap at kupas na maong na pantalon na may mga
butas pa sa tuhod. Laking pasasalamat niya nang matuklasang mahaba rin ang buhok nito.
Mabilis na nagbihis si Dean. Inabot niya sa lalaki ang suot niyang itim na pantalon, brown leather jacket
at itim rin na sombrero. Kahit ang dala nitong backpack ay kinuha niya rin. Inabot niya rito ang walang
laman na attaché case niya bago siya lumabas na ng rest room at ng restaurant.
Nang bahagyang makalayo na ay nilingon ni Dean ang pinanggalingan. Napangisi siya nang makitang
naroroon pa rin sa labas ng restaurant ang dalawang lalaking sumusunod sa kanya. Mabilis na
lumabas na siya ng mall. Sa parking lot ay nakita niya si Luis sa tabi ng isang lumang gray na kotse.
Mabuti na lang at tinted iyon. Si Luis ang anak ng isa sa mga staff ni Selena sa shop nito.
May kapatid si Luis na si Mark na siyang mas kilala niya. Kilala rin ni Dean ang mga staff ni Selena sa
ilang ulit na pagbisita niya sa dalaga sa nakalipas na mga taon. Si Mark ang isa sa mga napili nilang
tulungan noon ni Selena sa medical expenses nang duguan itong dalhin sa ospital dahil nabangga ito
ng isang sasakyan. Halos tatlong taon na iyon nang mangyari. Ngayon ay isa na itong accountant
ngayon. Tinulungan ni Dean si Mark na makapasok sa pag-aaring negosyo ng isang kakilala niya.
Noong nakaraang linggo ay nagkita sila ni Mark. Sinundo nito ang ina nito sa Selena’s na patuloy pa
ring nag o-operate kahit pa wala roon si Selena dahil may mga tinatahi pa roon ang mga staff nito.
Ayon sa ina ni Mark na si Aling Corazon na nakausap niya ay nagpupunta sa bahay ni Selena linggo-
linggo ang tumatayong assistant nito para sa ilang mga gawain at mga papeles sa shop. Kasabay
niyon ay nagtanong si Aling Corazon kung may maitutulong ito sa amo nito na hindi man raw niya
sabihin ay nararamdaman nitong may problema.
Nang banggitin ni Dean sa ginang ang sitwasyon nila ni Selena ay kaagad itong nagpahayag ng
kagustuhang tumulong. Tinawagan nito ang anak nitong si Mark na kaagad ring nakipagkita sa kanya
kinabukasan. NôvelDrama.Org owns all © content.
Sa tulong nina Chynna at Lilian ay nakabuo sila ng plano kahit pa hindi nagpapakita si Lilian sa tuwing
nagtatagpo sila para na rin hindi ito pagdudahan. Sina Chynna at Mark lang ang nakikitang kasama ni
Dean. Pero nakakausap pa rin nila ito at ang kapatid ni Mark na si Luis na isinama ni Mark sa plano sa
pamamagitan ng cell phone. Sa tuwing nag-uusap sila ay ipinaririnig nila ang mga iyon sa dalawa.
Si Luis ang siyang nagprisintang maghatid sa kanya sa tagpuan nila ni Selena. Hindi magamit ni Dean
ang sariling kotse dahil mapanganib masyado. Lalong mapanganib ang mag-commute sa ngayon dahil
hindi niya alam kung hanggang kailan niya maloloko ang mga kalalakihan na iba na ang siyang
sinusundan ng mga ito. Nang makaalis siya ng apartment niya ay alam niyang gaya ng plano ay
pumasok roon si Luis at siyang kumuha ng mga gamit niya roon na naihanda niya na kagabi pa.
Habang si Lilian naman ang siyang magtatakas kay Selena.
Everything was set. Sa pagkakataong iyon ay nakukuha na ni Dean ang magpasalamat sa kalangitan
dahil mukhang kahit paano ay hindi sila tuluyang pinababayaan ni Selena. Marami pa rin ang
nakahandang tumulong sa kanila ng dalaga. All thanks to Selena’s pure heart and the people she had
helped in the past. Muli ay nakaramdam si Dean ng pagmamalaki para sa babaeng pinakamamahal.
Dumeretso na si Dean sa dalang kotse ni Luis. Agad naman itong sumakay na rin at pinaharurot ang
kotse palayo. Hold on, mahal. We’re going to see each other soon.
BUMUHOS ang mga luha ni Selena nang agad na matanawan si Dean sa pribadong paliparan na
pagmamay-ari ng pamilya ng kaibigan ni Lilian. Mayamaya lang ay darating na ang private jet na
maghahatid raw sa kanila ni Dean sa magiging kaharian nila hanggang sa mga susunod na bwan.
Hindi na siya nagtanong kung saan iyon. Hindi na iyon mahalaga sa ngayon. Nakahanda siyang
pumunta sa kahit na saan pa basta kasama niya si Dean.
Ilang sandaling pinagmasdan na muna ni Selena ang binata. Ilang dipa ang layo nito sa kanya.
Nakatayo ito patalikod sa kanya. Base sa nakita niyang pagtapik-tapik ng binata sa hita nito ay alam
niyang kinakabahan ito. Mukhang kanina pa ito naghihintay sa kanya roon.
“Dean…” Garalgal ang boses na tawag ni Selena rito.
Agad namang lumingon sa direksyon niya si Dean. Nang makita siya nito ay mabilis itong nanakbo
palapit sa kanya at mahigpit na niyakap siya.
“God, I’ve missed you so much, mahal!” Emosyonal na bulong ng binata.
Muling pumatak ang mga luha ni Selena. Gumanti siya ng mas mahigpit na yakap sa binata. Ang mga
linggo ay para bang taon sa tagal mula nang huli silang magkita. Ganoon katindi ang pangungulila niya
sa binata. Ilang ulit niya nang pinangarap ang mga yakap at halik nito. “And we’ve missed you too,
Dean.”
“We?” Bumakas ang pagtataka sa anyo ng binata.
“Yes. We.” Sa kabila ng mga luha ay napangiti si Selena. Bahagya siyang lumayo kay Dean. Buong
pagmamahal na pinakatitigan niya nito. Nangangalumata ito na gaya niya. At bahagya ring humapis
ang mukha nito. May mga tumutubo ng stubbles sa mukha nito ganoon pa man ay hindi iyon
nakabawas sa kakisigan nito. In her eyes, he will always be the most beautiful man she had ever met.
“We are going to have a baby, mahal. Buntis ako.”
Umawang ang bibig ng binata. Ilang segundong para bang mangha lang itong nakatitig kay Selena
bago ito biglang napasigaw. Tuwang-tuwang binuhat siya nito at inikot-ikot sa ere. “I’m going to be a
father! Thank You, Lord!”
Natawa si Selena. Ngayon niya mas naramdaman ang paglaya. Hindi niya alam kung anong uri ng
hinaharap ang naghihintay sa kanila ni Dean at ng kanilang magiging anak. Masyado pa iyong malabo
sa ngayon. Pero ngayong yakap na siya ng binata, nakahanda na siyang salubungin ang mga unos…
basta’t magkasama sila. She knew that his love for her will never fail to strengthen her.